Home NATIONWIDE Magkaibang presyo ng infra materials sa 2 bayan ng Pangasinan kinwestyon ng...

Magkaibang presyo ng infra materials sa 2 bayan ng Pangasinan kinwestyon ng solon

195
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Pangasinan Rep. Ramon Guico Jr. ang magkaibang presyo ng infrastructure materials sa dalawang magkatabing bayan sa lalawigan, partikular sa pagitan ng ika-5 at ika-4 na distrito ng Pangasinan.

Sa pagdinig ng House committee on the North Luzon quadrangle, sinabi ni Guico na bagama’t magkatabi lamang ang Laoac (5th district) at Manaoag (4th district), malaki ang diperensiya sa presyo ng fine aggregates at ready-mix concrete na ginagamit sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Guico, ang unit cost ng fine aggregates sa ika-5 distrito ay P536.80 kada cubic meter, habang umaabot sa P651 sa ika-4 distrito.

Sa ready-mix concrete naman, P4,670 ang presyo sa ika-5 distrito kumpara sa P3,625.60 sa ika-4 distrito.

“Pagkatawid mo lang ng Laoac papuntang Manaoag, magkaibang distrito na, pero bakit ganoon kalaki ang diperensiya sa unit cost?” tanong ni Guico.

Sumagot si DPWH Undersecretary for Luzon Arthur Bisnar na batid ni DPWH Secretary Vince Dizon ang mga reklamo hinggil sa Construction Materials Price Data (CMPD) at personal umano itong magbibigay-linaw sa Kongreso. Gayunman, wala si Dizon sa pagdinig dahil nasa Cebu.

Nangako si Bisnar na magsusumite ang DPWH ng opisyal na paliwanag ukol sa isyu, kabilang ang pagkakaiba ng CMPD sa ika-5 at ika-6 na distrito ng Pangasinan, na parehong saklaw ng iisang DPWH office sa Rosales.

“Hindi ko kinukuwestiyon kung mataas o mababa ang presyo. Ang concern ko ay bakit magkaiba ang rates kung iisang opisina lang ang gumagawa ng computation,” diin ni Guico.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Dizon na posible ang price discrepancies ngunit ipapa-verify niya ang presyo ng materials sa ika-4 at ika-5 distrito ng Pangasinan.

Ang CMPD ay naging sentro ng kontrobersiya sa deliberasyon ng 2026 national budget, kasunod ng alegasyon na ang mataas na presyo ng materials ay nag-ambag sa mga palyadong flood control at infrastructure projects. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here