NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – May naitalang superheated gas emissions sa bunganga ng Mt. Kanlaon na indikasyon ng nagpapatuloy na volcanic unrest, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa isang panayam noong Biyernes, sinabi ni Phivolcs resident volcanologist Mari Andylene Quintia ng Kanlaon Observatory sa La Carlota City na ang superheated plume, na karaniwang nangyayari sa Mt. Kanlaon, ay nagpapahiwatig na may magma na pumapasok at naghihintay sa ilalim ng bulkan.
Binigyang-diin ng Phivolcs na kahit may panandaliang pagbaba ng aktibidad, hindi pa tapos ang unrest sa Kanlaon at posible pa rin ang isang malaking pagsabog sa pangmatagalan.
“It has caused panic and I would like to correct my statement. We have not yet established that superheated plume as a precursor,” aniya.
“Volcanic earthquake swarms, abrupt increase or decrease in sulfur dioxide emissions, and ground deformation are our primary basis,” dagdag pa niya.
Ayon kay Quintia, ang pinakahuling superheated gas emission ay naitala ng heat-sensitive cameras mula alas-6:41 ng gabi hanggang alas-7:13 ng gabi noong Miyerkules.
Madalas umanong maitala ang ganitong emissions sa gabi dahil hindi ito nakikita ng mata.
“The release of superheated gas could also be occurring in the daytime, but it cannot be seen,” dagdag niya.
Ang superheated gas ay indikasyon na maaaring umaangat ang magma sa loob ng bulkan. Naitala rin ang mga earthquake swarm sa Kanlaon noong Enero.
“This is the reason the 4-kilometer permanent danger zone should be strictly implemented for the safety of all,” ani Quintia.
Nanatili sa Alert Level 2 ang Mt. Kanlaon dahil sa patuloy na pagtaas ng aktibidad.
Mula alas-12 ng hatinggabi ng Huwebes hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Biyernes, limang volcanic earthquakes ang naitala at umabot sa 2,020 tonelada ang ibinugang sulfur dioxide.
Naitala rin ang degassing na umabot sa 1,500 metro sa itaas ng bunganga ng bulkan, bagama’t wala namang naitalang ash emission. RNT/MND