Home OPINION DIPLOMASYA, HINDI PAPOGI KAILANGAN

DIPLOMASYA, HINDI PAPOGI KAILANGAN

228
0

PATULOY na sinusubok ng iringan ng Pilipinas at China ang tibay ng ating paninindigan bilang isang malayang bansa sa usapin ng West Philippine Sea. Sa bawat insidente sa dagat at palitan ng matitigas na pahayag, malinaw na hindi lamang teritoryo ang nakataya kundi ang kinabukasan ng ugnayang panlabas, kabuhayan ng mamamayan, at kapayapaan ng mga bansa.

Sa ganitong sitwasyon, napakahalaga ng diplomasya. Hindi ito tanda ng kahinaan, kundi isang matalinong paraan upang mapigilan ang mas malalang problema. Ang mahinahong pakikipag-usap, paggamit ng umiiral na mekanismong pandaigdig, at paggalang sa batas internasyonal ay nagsisilbing panangga laban sa hindi kinakailangang eskalasyon. Kapag nanaig ang sigaw kaysa mahinahong usapan, mas lumalapit tayo sa panganib na maaaring magbunga ng tensyong mahirap nang kontrolin.

Kasabay nito, dapat maging maingat ang mga lider at opisyal ng bansa sa pagtalakay ng isyung ito. Ang iringan sa pagitan ng Pilipinas at China ay hindi dapat gawing kasangkapan para sa pansariling interes-politikal man o personal. Ang pagpapapogi sa media, padalus-dalos na pahayag, at retorikang puno ng emosyon ay maaaring magpalakas ng suporta sa maikling panahon, ngunit may kapalit itong mabigat na kahihinatnan sa dulo. Ang bawat salitang binibitawan ay maaaring mag-udyok ng hindi kanais-nais na buwelta mula sa China sa larangan ng ekonomiya, seguridad, o diplomasya.

Ang tunay na sukatan ng pamumuno ay ang kakayahang unahin ang interes ng sambayanan. Ito ay nangangahulugang pagtatanggol sa soberanya gamit ang talino, hindi padalos-dalos at paninindigan na may kasamang pananagutan. Kailangang ipaglaban ang karapatan ng bansa habang iniiwasan ang hakbang na maglalagay sa panganib na may malaking epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda, ekonomiya, at kapayapaan.

Hindi natin kailangang mag-apoy sa galit sa pagtatanggol ng ating bansa, dear readers. Ang kailangan ng ating mga lider ay tahakin ang landas patungo sa diplomatikong pakikipag-ayos kung saan ang talino, prinsipyo, pagpapakumbaba, pasensya at paninindigang may dignidad at pananagutan ang dapat laging maging armas at sandata.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here