‘HINDI “balanse” ang kuwenta’ (the numbers don’t add up). Ito ang naglaro sa ating isipan sa paliwanag ng ating mga kaibigan sa Bureau of Customs hinggil sa malawakan at patuloy na ismagling ng mga sigarilyo.
“Kampante” kasi ang Aduana na ‘direct smuggling’ ang nangyayari at hindi ‘technical smuggling’ kung saan mali ang deklarasyon sa dokumento para mailabas ang mga palusot na sigarilyo sa bakuran ng Customs.
Totoo kasi na sa technical smuggling, mayroong ‘paper trail’ kaya madaling “habulin” ang mga “nagparating.” Sa direct/outright smuggling, wala, Kaya sino nga naman ang hahabulin, aber?
Ayon pa sa BOC, pwedeng ipinuslit sa ‘high seas’ ang mga sigarilyo at isinakay sa mga “maliliit” na bangka bago ipinasok sa mga baybayin ng bansa.
Pero teka, nakalagay sa CONTAINER VANS ang mga nahuling sigarilyo, hindi ba, kasamang Wiliam Depasupil?
Sa madaling salita? Dumaan ito sa ‘regular ports’ dahil kailangan ng mga ‘special equipment’ para maibaba sa barko at maisakay sa truck para mailabas ng piyer.
At kung hindi “nakita” ng Customs? Abah, baka totoo ang matagal ng hinala na hindi lahat ng mga containers, nakadeklara sa “manipesto” ng barko!
At kung totoong galing pa ng Mindanao ang mga nakumpiska sa Batangas? Eh, sigurado, simula sa gate ng piyer at sa buong ruta ng biyahe, lahat kailangang “kausapin,” hindi ba?
Translation? Sadyang malaki at ‘nationwide’ ang organisasyon ng sindikato kung saan lahat ng ahensiya ay “pasok” sa operasyon, tama ba, mga kabayan?
Kaya ang tanong, “mahubaran” at makasuhan nga kaya ang mga “ulo” ng sindikato? Abangan!






