MANILA, Philippines — Bukas ang mga foreign minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagpapatibay ng isang kasunduan na magpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng mga coast guard at maritime agencies ng rehiyon.
Iminungkahi ng Pilipinas ang pag-adopt ng ASEAN Declaration on Maritime Cooperation sa nakatakdang 48th ASEAN Leaders’ Summit sa Mayo, na layong maglatag ng konkretong hakbang para sa mas malapit na pagtutulungan sa karagatan.
Ayon sa pahayag ng ASEAN Chair matapos ang ASEAN Foreign Ministers’ Retreat sa Cebu City noong Enero 29, tinanggap at sinuportahan ng mga kalahok na bansa ang panukala ng Pilipinas.
Sa hiwalay na pahayag sa Philippine News Agency, sinabi ni DFA ASEAN spokesperson Dax Imperial na hangad ng Pilipinas ang pagkakaroon ng consensus sa isang framework para sa coast guard cooperation at pagtatatag ng isang ASEAN maritime center.
Gayunman, nilinaw ni Imperial na kailangan pa itong pag-usapan at pagkaisahan ng lahat ng miyembrong bansa ng ASEAN bago maisama sa pinal na dokumento.
Kasabay nito, patuloy ring itinutulak ng Pilipinas, bilang incoming ASEAN chair sa 2026, ang mas mabilis na pagtatapos ng Code of Conduct sa South China Sea sa pagitan ng ASEAN at China.
Ang panukalang deklarasyon ay isinusulong sa gitna ng patuloy na pangamba ng mga bansa sa rehiyon kaugnay ng tumitinding tensyon sa South China Sea. RNT/JGC