MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng isang Regional Trial Court (RTC) sa Balayan, Batangas ang paglalabas ng summons sa civil libel case na inihain ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste laban kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
Sa kopya ng kautusan ng RTC Branch 11 na ibinahagi sa media nitong Sabado, Enero 31, nakasaad na na-raffle sa nasabing korte ang kaso noong Enero 28, 2026 at binigyan ito ng due course.
“Inaatasan ang Branch Clerk of Court na maglabas ng summons alinsunod sa umiiral na mga alituntunin,” ayon sa korte.
Inatasan din ang counsel ng nagsasakdal na magsumite ng Notice of Appearance alinsunod sa Rule 13-A ng Amended Rules of Court.
Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag umano ni Castro sa kanyang vlog kaugnay ng isang solar energy company na itinatag ni Leviste.
Ikinatwiran ng mambabatas na mali ang alegasyon ni Castro na ibinenta niya ang kumpanyang may hawak na prangkisa ng gobyerno at ang umano’y pahiwatig na “na-flip” ang prangkisa nang walang pahintulot ng Kongreso.
Giit ni Leviste, walang prangkisa ang kumpanyang kanyang ibinenta.
Humihingi siya ng ₱100 milyon bilang moral damages, ₱10 milyon bilang exemplary damages, at ₱1 milyon para sa attorney’s fees.
Sa naunang pahayag, iginiit naman ni Castro na ang kanyang mga sinabi ay nakabatay sa mga pahayag ng Office of the Ombudsman at ni Leviste mismo, at aniya, ang kaso ay tangkang patahimikin siya. RNT/JGC