Home NATIONWIDE Pilipinas hinimok, WPS depensahan kasabay ng pagpapanatili ng diplomasya sa China

Pilipinas hinimok, WPS depensahan kasabay ng pagpapanatili ng diplomasya sa China

199
0

MANILA, Philippines — Dapat ipagpatuloy ng Pilipinas ang matatag na depensa sa West Philippine Sea (WPS) habang pinananatili ang bukas na linya ng diplomasya sa China, ayon sa mga eksperto at mambabatas na nagsalita sa isang forum nitong Sabado.

Sa ginanap na Saturday News Forum sa Quezon City, tinalakay nina Pasig Rep. Roman Romulo, Manila Rep. Joel Chua, Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, at national security expert Dr. Sherwin Ona ang umiinit na tensyon sa WPS at ang palitan ng pahayag ng mga opisyal ng Pilipinas at China.

Ayon kay Ona, isang propesor sa De La Salle University, mahalagang labanan ng Pilipinas ang disinformation campaigns ng China at magpatupad ng multi-layered strategy upang maprotektahan ang soberanya ng bansa.

Nauna nang kinondena ng Senado ang mapanuyang pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa Philippine Coast Guard at ilang mambabatas, na humantong sa panawagang ideklarang persona non grata si Ambassador Jing Quan.

Bilang tugon, iginiit ng Chinese Embassy na tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpaalis ng isang ambassador. Nilinaw naman ng Malacañang na wala umanong plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklara ang naturang hakbang.

Binigyang-diin ni Ona na bagama’t seryoso ang usapin sa WPS, hindi ito dapat maging hadlang sa ugnayang pangkultura at pang-ekonomiya ng Pilipinas at China, lalo na’t nalalapit ang ASEAN summit.

Babala rin niya na ang agresibong pahayag ng China ay maaaring bahagi ng mas malawak na estratehiya, kaya’t kinakailangan ang patuloy na pagbabantay sa mga sensitibong lugar tulad ng Bajo de Masinloc at iba pang bahagi ng WPS.

“Iginiit ng mga eksperto na dapat manatiling bukas ang diplomasya, ngunit handa ang bansa na kumilos upang ipagtanggol ang sariling teritoryo,” ani Ona. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here