Home NATIONWIDE Textbook accessibility, kakulangan ng publisher sosolusyunan ng DepEd

Textbook accessibility, kakulangan ng publisher sosolusyunan ng DepEd

189
0

MANILA, Philippines — Tinututukan ng Department of Education (DepEd) ang mga natitirang suliranin sa textbook procurement, partikular ang naantalang distribusyon ng aklat at ang limitadong partisipasyon ng mga publisher, sa kabila ng umano’y daan-daang rehistradong kumpanya.

Batay sa final report ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2), bagama’t may 328 aktibong publisher na nakalista ang National Book Development Board (NBDB), 10 publisher lamang ang nanalo sa lahat ng 60 lots sa pinakahuling bidding ng DepEd.

Palatandaan umano ito ng patuloy na konsentrasyon at hadlang sa mas malawak na partisipasyon.

Ang NBDB, isang attached agency ng DepEd, ay may mandato sa pagtatakda ng pamantayan, capacity-building, at pagbuo ng pambansang polisiya sa aklat, mula manuskrito hanggang distribusyon.

Gayunman, ayon sa Edcom, hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang layuning ito makalipas ang tatlong dekada.

Tinukoy rin ng komisyon ang malubhang kakulangan ng publishing enterprises sa Visayas at Mindanao, kung saan karamihan ng mga rehistradong kumpanya ay nasa Luzon. Sa ilang probinsya sa Visayas, wala umanong kahit isang publishing-related enterprise, habang kakaunti rin ang publisher at printer sa Mindanao.

Dahil dito, napipilitan ang DepEd na umasa sa mahahabang logistics chain na dumaraan sa ilang isla—isang prosesong madaling maantala ng masamang panahon, limitadong pasilidad sa pantalan, at heograpiya ng bansa.

Ayon pa sa Edcom, mahina rin ang warehousing at logistics systems ng ahensya. Karamihan sa mga regional office ay gumagamit ng pansamantala o inuupahang bodega na kulang sa humidity control, maayos na inventory tracking, at seguridad.

Dagdag pa rito ang kakulangan ng koordinasyon sa delivery schedule at madalas na kawalan ng abiso sa mga paaralan bago dumating ang mga aklat.

Bilang tugon, iminungkahi ng Edcom ang 10-year national education action plan, kabilang ang pagpapalakas sa kapasidad ng regional at maliliit na publisher, lalo na sa mga lugar na kulang sa suplay.

Inirekomenda rin ang mas maliliit na bid lots, multiple title adoption, at two-year runway para sa textbooks at teacher’s manuals upang masigurong maipapamahagi ang mga ito bago magsimula ang klase.

Kapag naayos na ang mga isyu sa textbooks, iminungkahi rin ng komisyon ang pagsusuri sa library hubs at supplementary learning resources upang matiyak ang accessibility, kalidad, at episyenteng paggamit ng pondo para sa mga mag-aaral. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here