MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang kauna-unahang runway landing sa malapit nang matapos na Bukidnon airport.
Si Lopez ay dumating sakay ng twin-engine private plane kasama ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para makipagkita sa mga contractor at suriin ang proyekto.
Hinimok niya ang mga ito na pabilisin pa ang pagkumpleto sa paliparan apat na taon matapos itong simulan noong Agosto 2021.
Ininspeksyon ng DOTr chief ang key facilities, kabilang ang cargo terminal, control tower, fire station, powerhouse, at runway.
Sinabi ng on-site project in charge ng DOTR na si Crisogono Llido Jr., na ang 149-hectare airport site ay nagpakita ng ‘steady progress’ at target na masimulan ang turboprop commercial operations sa fourth quarter ng taong kasalukuyan.
Nakatakda ring makumpleto sa third quarter ng taon ang access road patungo sa airport.
Ani Llido, naglaan ang DOTR ng kabuuang P3.464 bilyon para sa proyekto mula nang magsimula ang konstruksyon.
Sa oras na matapos, ang runway ay may sukat na 2,100 metro ang haba at 45 metro ang lapad na kayang tumanggap ng mas malaking jet aircraft.
Kabilang sa earlier stages ang 1,260-meter airstrip at 1,650-meter extension para sa turboprop planes.
Inaasahan sa ikalawang quarter ng susunod na taon ang jet aircraft operations.
Mapabubuti ng paliparan ang connectivity at mas magbubukas ng maraming economic opportunities sa Bukidnon. RNT/JGC