MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang naitalang kaso ng Nipah virus sa Pilipinas.
Sa kabila nito, sinabi ng DOH na may nakatakdang hakbang upang maprotektahan ang publiko.
Sinabi ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang gaya ng Thailand at Taiwan na pinapalakas ang mga hakbang para maiwasan ang pagpasok ng virus sa kanilang hangganan.
Ipinaliwanag ni Domingo na ang Nipah virus ay isang zoonotic disease o sakit na nagmumula sa hayop na maaring makuha mula sa paniki o sakit na nagmumula sa hayop, na maaaring makuha mula sa paniki o fruit bat, o pagkain ng hindi lutong karne na hindi tiyak ang pinagmulan.
Dagdag ni Domingo, may mga dedication spotters na mga nurse sa Ninoy Aquino International Airport na nagmamasid sa mga dumarating na pasahero para sa mga sintomas, gamit ang terminal cameras para mabasa ang temperatura ng tao.
Ang mga bagong dating ay kailangang magsumite ng e-Travel documents sa loob ng 72 oras upang matukoy ang mga bansang kanilang binisita.
Ang mga sintomas ng Nipah virus ay karaniwang mala-trangkaso, gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, at sipon.
Sa malalang kaso, maaaring magdulot ito ng pamamaga ng utak.
Pinayuhan ni Domingo ang publiko na huwag mag-panic kung makaranas ng ganitong sintomas, lalo na kung hindi naman bumiyahe o nakasalamuha ang mga hayop sa gubat.
Dagdag pa niya, ang DOH ay may mga isolation rooms sa mga ospital nito at sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City.
Hinikayat ni Domingo ang publiko na panatilihin ang malusog na pagkain, regular na ehersisyo, at disiplina upang mapalakas ang resistensya laban sa sakit. Jocelyn Tabangcura-Domenden