SEOUL, South Korea — Hinatulan ng isang appellate court sa South Korea ang dating Chief Justice ng Supreme Court na si Yang Sung-tae ng anim na buwang pagkakakulong na may isang taong suspension, kaugnay ng pang-aabuso umano nito sa kapangyarihan at iligal na pakikialam sa mga paglilitis.
Ipinataw ng Seoul High Court ang hatol nitong Biyernes, Enero 30, binaligtad ang naunang desisyon ng mababang hukuman na nag-absuwelto kay Yang sa lahat ng 47 kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa prosekusyon, ginamit umano ni Yang, nagsilbing punong mahistrado mula 2011 hanggang 2017, ang ilang kaso sa korte bilang panangga o kapalit sa pakikipag-ugnayan sa administrasyon noon ni dating Pangulong Park Geun-hye.
Layunin umano nito na makuha ang suporta para sa pagtatatag ng isang hiwalay na court of appeals.
Humiling ang prosekusyon ng pitong taong pagkakabilanggo laban kay Yang, subalit mas magaan ang hatol na ipinataw ng appellate court.
Sa parehong kaso, hinatulan din si dating Supreme Court Justice Park Byong-dae ng anim na buwang pagkakakulong na may isang taong suspension, habang pinagtibay naman ng korte ang pagpapawalang-sala kay dating Justice Ko Young-han. RNT/JGC