MANILA, Philippines – Sinira ng mga awtoridad ang P14.76 milyong halaga ng tanim na marijuana sa tatlong taniman nito sa dalawang barangay sa Tinglayan, Kalinga, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Pebrero 2.
Sa pahayag, sinabi ng PNP na nasa 57,000 fully-grown marijuana plants ang binunot at sinunog sa dalawang taniman sakop ang 5,700 square meters ng lupain sa Barangay Loccong ng mga tauhan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency in the Cordillera Administrative Region (PDEA-CAR).
Nagkakahalaga ng P11.4 milyon ang mga sinirang marijuana.
“Targeting cultivation areas is a decisive step to stop illegal drugs from reaching communities. Operations in remote and high-risk areas will continue without pause,” pahayag ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang PNP kung sino ang nasa likod ng mga taniman ng marijuana.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) na nasa 16,800 fully grown marijuana plants ang sinira rin sa taniman sa Barangay Buscalan.
Itinanim ito sa 1,200 square meter na lupa at nagkakahalaga ng P3.36 milyon.
“Together, we reaffirm our unwavering resolve to relentlessly pursue illegal drug cultivation activities, dismantle supply sources, and safeguard the peace and security of our communities,” ayon kay PNP-DEG chief Brigadier General Elmer Ragay. RNT/JGC