MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang inter-agency meeting sa Malakanyang, araw ng Lunes upang repasuhin ang mga paghahanda ng bansa para sa ASEAN 2026 Chairship, at iginiit na dapat magdulot ito ng kongkretong benepisyo sa mga Pilipino at sa buong rehiyon.
Tinalakay sa pulong ang mga prayoridad na plano ng pamahalaan na nakatuon sa paglikha ng trabaho, suporta sa maliliit na negosyo, pagpapabuti ng digital services, at pagpapatibay ng mga programang nakasentro sa mamamayan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, handang-handa na ang Pilipinas na gampanan ang tungkulin bilang ASEAN Chair.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pagtutok ng ASEAN sa pagtulong sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, lalo na sa darating na BIMP-EAGA meeting sa ASEAN Summit.
Patuloy rin ang koordinasyon ng mga kaukulang ahensya upang matiyak ang maayos, ligtas, at organisadong pagho-host ng mga summit.
Matagumpay na naidaos kamakailan ng Pilipinas ang ASEAN Foreign Ministers’ Meeting Retreat at ang ASEAN Tourism Forum sa Cebu.
Bilang isa sa mga nagtatag ng ASEAN, ang Pilipinas ay magho-host ng ika-48 at ika-49 na ASEAN Summit ngayong taon—ikaapat na beses na ng bansa na mag-host sa international na pagtitipon. Kris Jose