Home OPINION SINO NAGBABANTAY LABAN SA POLITICIZATION?

SINO NAGBABANTAY LABAN SA POLITICIZATION?

224
0

LIKAS na nagdudulot ng matinding emosyon ang mga usapin at isyu sa West Philippine Sea at tulad ng inaasahan, ipagtatanggol ng mga lider ng bansa ang ating soberanya at dangal, lalo na kapag may pahayag na binitiwan ang isang dayuhang opisyal na umaangkin din sa ating teritoryo na kung tutuusin ay lagpas na sa hangganan ng diplomasya.

Tama lang naman talaga na pumalag ang mga lider kapag inaakala nila ay lumalagpas na sa hangganan ang usaping panlabas pero kapag nagiging paligsahan ng popularidad ang mga pahayag, dito na nagkakaroon ng problema.

Ang pagtulak nang pagsusulong ng mayorya ng Senado na agad kondenahin ang Chinese Embassy ay sumasalamin sa tensyon.

Malinaw ang mensahe ng isang resolusyon ng pagkondena, ngunit hindi naman maikakaila na may dala rin itong mga kaakibat na panganib.

Kapag nailahad na sa plenaryo ang posisyon ng bansa, nagiging mas mahirap ang maingat at planadong pamamahala ng ugnayang pandaigdig dahil unti -unting tumitigas ang mga paninindigan at lumiliit ang mga option sa pagresolba ng isyu.

Iba naman ang ihip ng hangin sa mga miyembro ng minorya dahil sa halip na agarang pagboto, nanawagan sila ng isang pagdinig ng komite, hindi para pahinain ang tindig ng bansa kundi pangalagaan daw ito.

Mas maganda nga at naisakatuparan ang pagdinig dahil mas malinaw na nailalatag dito ang mga katotohanan at konteksto, bukod sa nabibigyan ng pagkakataon ang Department of Foreign Affairs na ipaliwanag ang mga posibleng hakbang at ang mga panganib na kaakibat ng bawat isa.

Ang diplomasya ay may malalim na epekto sa kalakaran, seguridad, at sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa dahil kapag ginawang usaping pulitikal ang laban ng mga usaping panlabas, kadalasang napapabayaan ang mga mas malalaking interes na ito.

Sa pagpili ng maingat at disiplinadong proseso, nagsisilbing bantay ang minorya laban sa politicization at pinaaalalahanan ang Senado na ang ugnayang panlabas ay nangangailangan ng mahabang pag-iisip, hindi ng matinding emosyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here