ANO na ba ang nangyayari sa Manila’s Finest?
‘Yun bang === Manila Police na kilala sa pagiging nangunguna sa pagtupad ng misyon ng mga pulis na “to protect and serve” ang mga mamamayan.
Bakit kaya sunod-sunod ang mga gawain ng ilang Manila Police na itinuturing na pagtataksil sa nasabing misyon ng mga pulis?
Sa katunayan, ayon mismo sa mga pulis, hango ang misyon sa tadhana ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing ang pagtatanggol at paninilbihan sa taumbayan ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan (Article 2, Section 4, 1987 Constitution).
MAGNAKAW NA PULIS
Anim na pulis-Maynila ang malamang umanong masibak sa pagkapulis dahil sa ilang beses na pagnanakaw na kanilang isinagawa sa Makati City kamakailan.
Hindi iisang tao ang kanilang mga pinagnakawan kundi apat: Isang lalaki at dalawang babae.
Unang dinakip, ginapos at ninakawan si Raul Aragones at sumunod na ang isang babae na ninakawan makaraang akusahan ito ng pagdadala ng droga.
Hindi rin nakaligtas ang isa pang babae na ninakawan ng mga alahas at pinagbayad pa ang kapatid ng biktima ng P50,000 kapalit ng hindi pagbibilanggo rito.
Panghuling kaso ang pagdakip ng mga pulis sa isang lalaki at pagnanakaw rito ng isang cellphone.
KIDNAPPER AT MAGNANAKAW
Ilang araw lang ang nakalipas, kinidnap naman ng pitong pulis-Maynila ang isang courier o delivery rider sa Tondo, Manila.
Kinuha ng mga pulis ang trak ni alyas Crisanto pagkatapos sinakyan ito para pumunta at mag-park malapit sa isang bangko sa Aguinaldo Highway sa Cavite.
Doon ginamit ang trak na kargahan ng mga pinagnanakaw na cable wire sa lugar saka dinala ang trak sa Shell MCX, Muntinlupa.
Doon na inilipat ang ninakaw na cable wires sa isa pang van at doon na sama-sama ang mga pulis, kasama ang iba pang mga akusado na may kasamang mga menor-de-edad.
Dito na rin nakuha muli ni Crisanto ang kanyang sasakyan at dumiretso siya sa pulisya para magsumbong.
LAHAT DINAMPOT
Dinampot ng mga kapwa nila pulis ang lahat ng mga pulis na magnanakaw at kidnaper at nahaharap na ang mga ito sa mga kaukulang kaso.
Mga sarhento at may mas mababang ranggo ang mga pasaway na pulis.
Seryoso sina National Police Commission Executive Officer Rafael Calinisan at Internal Affairs Service Inspector-General Brigido Dulay sa pagpapanagot sa mga pulis na ito.
Depende sa mga ebidensya, malamang na masisibak sa pagkapulis ang mga miyembrong ito batay sa mga administratibong kaso ng iginagalang pa man din na Manila’s Finest.
At malamang ding matuluyang makulong ang mga ito sa mga kriminal nilang gawain.
Ang maganda, mabilis na kumilos ang iba pang mga pulis para dakpin ang mga kapwa nila pulis na nagkakasala sa bayan.
Saludo tayo sa kanila, lalo’t sinasalamin na rin nila ang inaasahan ng bayan na pagkilos ng mga pulis sa ilalim ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr.






