MANILA, Philippines — Pinasinayaan sa pangunguna ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang bagong San Nicolas Health Center sa Binondo, Manila nitong Martes, Pebrero 3.
Ibinunyag ng alkalde na nagsimula ang plano matapos niyang personal na inspeksyunin ang lumang health center ng San Nicolas na kanyang nakitang lubhang sira at hindi na maayos ang kondisyon.
Agad umanong ipinag-utos ni Domagoso ang technical assessment ng pasilidad sa halip na umasa lamang sa ulat ng iba.
“Pag-alis na pag-alis ko, sabi ko kay Andres, ‘Bisitahin niyo na ‘yun. Padala mo ‘yung inhinyero. Tingnan ninyo anong magagawa natin, then you come up with the report within 48 hours,’” pahayag ng alkalde.
Nauna umanong inirekomenda ang simpleng pagkukumpuni gaya ng pag-aayos ng alulod at amag, ngunit tinanggihan ito ni Moreno dahil panandaliang solusyon lamang umano ito.
“Eh ‘di Band-Aid ‘yung gagawin natin?” ani Yorme.
Sa halip, iniutos niya kay City Engineer Armand Andres na tutukan ang pangmatagalang disenyo at kalidad ng pasilidad, hindi ang limitasyon ng pondo.
“Huwag mo intindihin ‘yung pera, intindihin mo ‘yung drawing. Tingnan mo kung paano magiging maayos ang lugar na kung saan ang kapwa natin naglilingkod sa bayan, lalo na sa pangkalusugan,” dagdag niya.
Sinabi rin ng alkalde na naisakatuparan ang proyekto matapos matukoy ang mga nakatagong pondo ng lungsod na muling napakinabangan. Pinuri rin niya si City Treasurer Paul Vega sa pagtulong para mailaan ang pondo sa health center.
“Nakita natin ‘yung mga ilang nakatagong pera ng lungsod na nagkaroon ng interes at nakuha natin ulit. Sabi ko, ilaan mo sa San Nicolas Health Center,” ani Domagoso.
Ang bagong health center ay magkakaroon ng reception area, consultation room, minor surgery room, botika, medical technology room, at dental clinic, ayon sa inaprubahang plano.
Layunin ng proyekto na mapahusay hindi lamang ang serbisyong medikal sa mga residente ng San Nicolas at karatig lugar sa ikatlong distrito ng Maynila, kundi pati na rin ang working environment ng healthcare workers.
Iginiit din ni Yorme na bawat direktiba niya ay may kasamang deadline upang masigurong naipapatupad ang mga proyekto. Kahit kulang sa pondo, inaasahan aniya ang mga opisyal na humanap ng legal na paraan upang maihatid ang serbisyo sa publiko.
“Wala tayong pera. Kaya lang, pinalaki ako ng nanay ko na marunong magpiga ng bimpo. Hanggat may mapipiga sa ikabubuti ninyo,” ani Domagoso.
Tiniyak din ng alkalde na ang mga proyektong pangkalusugan ng lungsod ay nakaayon sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Dumalo rin sa seremonya sina OIC–City Health Officer Grace Padilla, mga konsehal ng lungsod, mga tauhan ng San Nicolas Health Center, barangay health workers at barangay nutrition workers.
Sa huli, tiniyak ni Domagoso na tungkulin ng pamahalaang lungsod na bigyan ng ligtas na lugar ang healthcare workers, habang responsibilidad naman ng mga ito ang maghatid ng malasakit at maayos na serbisyo sa publiko.
“We are investing in you, your City Government, for you to have a better working environment. Ipakita ninyo ‘yung pagmamahal, pagmamalasakit. Ipakita ninyo sa kanila ‘yung pasensya,” pagtatapos ni Yorme. JAY Reyes







