MANILA, Philippines — Isasaalang-alang ng House justice committee ang authenticity ng mga dokumento at annexes na kalakip ng dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtukoy kung sapat ang mga ito sa aspeto ng substance.
Ito ay matapos ibasura ng komite, sa botong 24-21, ang mosyong huwag isama ang pagbusisi sa pagiging tunay ng mga kalakip na dokumento sa pagsusuri ng reklamo. Dahil dito, obligado ang mga miyembro ng panel na suriin kung ang mga alegasyon ay suportado ng lehitimo at mapagkakatiwalaang ebidensya.
Ayon kay House Senior Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor, malinaw sa House Rules on Impeachment na tungkulin ng komite ang aktibong pagtukoy sa bigat ng reklamo at hindi simpleng pagtanggap lamang ng mga paratang.
“Ang salitang determination ay nangangahulugan na may responsibilidad ang komite na suriin ang reklamo nang may lubos na pag-iingat at hindi basta tanggapin ang mga alegasyon,” ani Defensor.
Ang dalawang reklamong isinampa laban sa Pangulo ay ang:
Reklamo ni Atty. Andre de Jesus, na inaakusahan ang Pangulo ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng umano’y pagpayag sa pagdakip at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, pati na rin ang iba pang alegasyon kabilang ang umano’y drug use at kabiguang i-veto ang ilang probisyon ng pambansang badyet; at
Reklamo ng Makabayan bloc, na nag-uugnay sa Pangulo sa umano’y anomalya sa pamamahagi ng pondo para sa infrastructure projects, partikular sa mga flood control projects na sinasabing overpriced, substandard at may “ghost projects.”
Binigyang-diin ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, kasapi ng justice panel, na mahalaga ang personal knowledge at tunay na dokumento sa anumang impeachment proceeding.
“Hindi dapat pahintulutan na gumawa lamang ng dokumento at isampa ito bilang basehan ng impeachment. May epekto ito hindi lang sa kasalukuyang proseso kundi sa lahat ng impeachment proceedings sa hinaharap,” ani Ridon.
Samantala, sinabi ni House justice committee chairperson Rep. Gerville Luistro na mahigpit at limitado ang mga batayan ng impeachment ayon sa Saligang Batas.
“Hindi lahat ng paglabag sa batas ay awtomatikong maituturing na impeachable offense. Kailangang malinaw na tumutugma ang alegasyon sa mga itinakdang batayan ng impeachment,” paliwanag ni Luistro.
Kabilang sa mga batayan ng impeachment ang culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, at betrayal of public trust.
Ayon kay Luistro, kailangang masagot ng komite kung ang mga alegasyong gaya ng katiwalian at kickbacks sa flood control projects ay sapat upang pumasok sa alinman sa mga nabanggit na batayan, sa pagboto ng panel sa sufficiency in substance ng mga reklamo. RNT/JGC