KAHIT itinuturing na isang political process ang Impeachment, may sinusunod pa ring mga patakaran na nakasaad sa Saligang Batas. Hindi ito pwedeng basta lampasan.
Kaya nga iginiit dati ni Sen. Chiz Escudero na hindi dapat inaapura ang Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang matagal na niyang pinaninindigan at pinagtibay mismo ng Korte Suprema kamakailan lamang.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi sapat ang dami ng pirma at lakas ng panawagan upang balewalain ang proseso. May mga alituntunin na kailangang sundin, kabilang ang referral requirements, session-day rules, at one-year bar. Hindi maaaring talikuran ang mga ito kahit pa sinasabing may “political momentum.”
Binigyang-diin ni Escudero na ang Impeachment ay isang ligal na proseso unang-una bago pa ito maging pulitikal. Kapag may Impeachment na nauna nang na-initiate, alinsunod sa Konstitusyon, ipinagbabawal na ang paghahain ng panibagong impeachment sa loob ng isang taon.
Hindi ito simpleng teknikalidad kundi tuwirang probisyon ng Saligang Batas. Ito rin ang paulit-ulit na paalala ni Chiz noong isinusulong ng House leadership, sa pamumuno ni dating Speaker Martin Romualdez, ang Impeachment laban kay VP Sara.
Nilinaw rin ng Korte Suprema na kahit dumaan sa 1/3 signature route, nananatiling may bisa ang Rules on Impeachment. Hindi sapat ang numero upang ibasura ang proseso. Kailangang sundin ng Kamara ang sarili nitong patakaran. Hindi pwedeng ipagwalang-bahala ang due process dahil lamang sa public pressure kung mayroon man.
Ang Impeachment ay hindi mob rule at hindi rin trial by publicity. May pamantayan ito ng pagiging patas, makatwiran, at hindi padalos-dalos na desisyon. Kaya kahit inulan ng magkabilang panig sa pulitika, pinanindigan ni Chiz ang kanyang posisyon.
Ang proseso ay nagsisilbing proteksyon laban sa abuso at mismong “check and balance” sa kapangyarihan ng Kamara.
Hindi ito hadlang sa pananagutan kundi panlaban sa pang-aabuso.






