Home METRO SEC reporting training isinagawa sa ARBO Romblon – DAR

SEC reporting training isinagawa sa ARBO Romblon – DAR

193
0

MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang samahan ng magsasaka kung kaya mas handa na ngayon ang labing pitong Agrarian Reform Beneficiaries’ Organizations (ARBOs) sa Romblon na mapanatili ang kanilang operasyon at makinabang sa mas maraming programang pangkaunlaran matapos lumahok sa Securities and Exchange Commission (SEC) Reportorial Workshop na ginanap sa Harbour Chateau sa Poctoy, Odiongan.

Sinabi ng DAR na pinahusay ng pagsasanay ang kakayahan ng mga opisyal at kinatawan ng ARBOs sa wastong paghahanda at pagsusumite ng mga kinakailangang ulat sa SEC—isang mahalagang pangangailangan upang mapanatili ang legal na katayuan, kredibilidad ng organisasyon, at pagiging kuwalipikado sa mga programa, proyekto, at tulong pangkabuhayan ng pamahalaan.

Para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), ang maayos at sumusunod sa patakaran na mga organisasyon ay nangangahulugan ng mas malinaw na pamamahala at mas epektibong paggamit ng pondo.

Dahil dito, mas nagiging madali ang pagkuha ng institusyonal na suporta, pagpapalawak ng mga kabuhayan, pagtaas ng produksyon sa sakahan, at pag-angat ng kita ng pamilya ng mga magsasaka.

Kaugnay nito isinagawa ang aktibidad alinsunod sa direktiba ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Department of Agrarian Reform (DAR) na palakasin ang mga organisasyon ng magsasaka bilang pundasyon ng pangmatagalang kaunlaran sa kanayunan.

Sa pamamagitan ng mga tuloy-tuloy na pagsasanay, layunin ng DAR na matiyak na ang mga ARB ay hindi lamang may sariling lupa kundi may matitibay ding organisasyon na maghahatid ng pangmatagalang benepisyo para sa kanilang mga kasapi.

Ang workshop ay pinangasiwaan ng Program Beneficiaries Development Division ng DAR Provincial Office–Romblon (DARPO-Romblon), sa pamumuno ni Chief Agrarian Reform Program Officer Cosme Jaime Mendoza, katuwang ang aktibong pakikilahok ng mga opisyal at kasapi ng iba’t ibang ARBO sa lalawigan.

Muling pinagtibay ng DARPO-Romblon ang kanilang pangakong magpatupad pa ng mga pagsasanay na magpapalakas sa pamamahala ng ARBOs, magpapalawak ng suporta, at magbibigay-lakas sa mga ARB tungo sa matatag at napapanatiling kabuhayan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here