BULACAN, Philippines – Arestado ang mag-asawa matapos mahulihan ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) nitong hapon ng Pebrero 3.
Sa ulat, kinilala ang suspek na si alyas “Boy”, 47, dating Barangay Tanod at kanyang may bahay na si alyas ‘Ann’, 44 kapwa residente ng Brgy. Minuyan Proper.
Ayon sa ulat, ang operasyon ay ikinasa ng mga tauhan ng SJDM police station na may koordinasyon sa PDEA Regional Office.
Nabatid na nabilihan ang mag-asawa ng isang heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu ng police poseur buyer kapalit ang P500 kaya sila agad inaresto ng mga pulis na nasa lugar.
Nakumpiska ang marked money at dalawang karagdagang sachets ng hinihinalang shabu sa mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng istasyon.
Sinasabing ipinaalam naman ng mga awtoridad sa mga suspek ang kanilang mga karapatan base na rin sa umiiral na saligang batas. (Dick Mirasol III)