AGUSAN DEL SUR, Philippines – Pinalaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) 13 (Caraga Region) ang isang Philippine hawk-eagle (Nisaetus philippensis) sa buffer zone ng Agusan Marsh Wildlife Sanctuary matapos itong masagip.
Ang ibon ay natagpuan at isinuko ng residente ng Barangay Magaud, Loreto, Agusan del Sur na si Benjie Geral Dumogoy sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Loreto noong Miyerkules.
Sinuri ng mga tauhan ng CENRO ang raptor na may bigat na humigit-kumulang 1.1 kilo at napatunayang maayos ang kalagayan kaya agad itong pinalaya sa itinakdang lugar. Ang Philippine hawk-eagle ay kabilang sa mga vulnerable species ayon sa DENR Administrative Order 2019-09.
“The release of the Philippine hawk-eagle at the Agusan Marsh Wildlife Sanctuary reinforced the ongoing efforts to protect the region’s rich wildlife and forest ecosystem,” ayon sa pahayag ng DENR-13 noong Huwebes.
Pinuri rin ng ahensya si Dumogoy sa pagsuko ng ibon at ang CENRO-Loreto sa agarang aksyon.
“Community participation is crucial to the success of wildlife conservation initiatives, and such cooperation helps ensure the safety of threatened species while upholding national laws that protect wildlife,” dagdag pa ng DENR-13.
Ang Philippine hawk-eagle ay itinuturing na mahalagang palatandaan ng malusog na forest ecosystem at natural na naninirahan sa Agusan Marsh, isang mahalagang wetland at ekolohikal na lugar sa Mindanao.
Hinikayat ng DENR-13 ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR ang mga nasugatan, nahihirapang hayop, o iligal na inaalagaang wildlife upang masiguro ang tamang pag-aalaga, rehabilitasyon, at legal na pagpapalaya. RNT/MND