MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ng mga progresibong grupo ang umano’y lumalawak na presensya ng tropang Amerikano sa bansa, kabilang ang mga military agreement at rotational deployment ng kanilang puwersa.
Kasabay ito ng pagdaraos nila ng kilo-protesta kung saan kinondena rin ng grupo kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Philippine Center for Anti-Imperialist Studies ang pagiging sunud-sunuran o ‘tuta’ ng Pilipinas sa patakaran ng Estados Unidos.
Sa kahabaan lamang ng TM Kalaw Street, nagsagawa ng programa ang grupo dahil binarikadahan ng mga pulis ang kanilang daraanan upang hindi na makaabot pa patungo sa US Embassy.
Naglatag ng police line upang mapanatili ang kaayusan habang pansamantalang naapektuhan ang daloy ng trapiko sa lugar.
Nanawagan ang mga grupo ng paggalang sa pambansang soberanya at mas malinaw na paliwanag ng pamahalaan hinggil sa mga kasunduang pang-depensa.
Hindi naman tumagal ang kilos-protesta at agad ding linisan ang lugar at bumalik ang normal na daloy ng trapiko matapos mapayapang lisanin ang lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden







