MANILA, Philippines – Naghain ng mosyon ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang upang ipasuspinde ang mga pagdinig sa kanyang mga kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng mga nawawalang sabungero sa San Pablo Regional Trial Court (RTC), ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez noong Biyernes.
“Ipinapaalam namin sa publiko na ipinagpaliban ng korte ang pag-isyu ng warrant of arrest kasunod ng mosyon ng akusado na ipagpaliban o isuspinde ang mga pagdinig,” pahayag ni Martinez nitong Biyernes sa isang press briefing.
Nahaharap si Ang sa mga kaso sa mga korte ng Sta. Cruz, Laguna; Lipa, Batangas; at San Pablo, Laguna. Sa tatlong ito, ang RTC Sta. Cruz Branch 26 at Lipa RTC Branch 13 lamang ang naglabas ng mga warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, hinihingi ng korte sa DOJ na magsumite ng mga dokumento kaugnay ng kaso.
Dagdag pa niya, anuman ang aksyon ng korte, ang DOJ ay maghahanda rin ng mga hakbang, ngunit hindi pa maibunyag ang mga ito sa ngayon.
Samantala, sinabi ni Martinez na nagsimula na ang paglilitis kay Ang sa Sta. Cruz at Lipa RTCs. Jocelyn Tabangcura-Domenden