MANILA, Philippines – Bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng inter-agency organizing committee na hahawak sa paghahanda sa partisipasyon ng Pilipinas sa Green Expo 2027 sa Japan.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 41 na may petsang Pebrero 4, itinalaga ni Marcos ang mga kalihim ng Department of Agriculture (DA) at Department of Tourism (DOT) bilang chairperson at vice chairperson ng Philippine Organizing Committee (POC).
Ang mga miyembro nito ay binubuo ng mga pinuno ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).
Ang Green Expo 2027 ay isang international horticultural exposition na kinikilala ng Bureau International des Expositions (BIE) at International Association of Horticultural Producers (AIPH).
Ito ay gaganapin sa Yokohama, Japan mula Marso hanggang Setyembre 2027 na may temang “Scenery of the Future for Happiness.”
Nagbibigay-daan ang expo sa participating countries na ipakilala ang mayamang biodiversity, sustainable agricultural practices, inobasyon sa high-value crops, agri-fishery products, green technologies, ecotourism initiatives, at cultural heritage.
Ani Marcos, ang pagsali ng bansa sa Green Expo 2027 ay angkop sa direksyon at commitment ng administrasyon sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028, partikular sa transformation ng agricultural at production sector patungo sa sustainability at competitiveness, at pagsusulong ng science and technology at innovation for sustainable development.
Sa ilalim ng AO 41, ang chairperson, vice chairperson, at mga miyembro ng komite ay maaaring magtalaga ng kanilang mga alternates, na may ranggong hindi bababa sa assistant secretary o katumbas nito para magdesisyon sa ngalan nila.
Kung kinakailangan, maaari ring lumikha ang POC ng subcommittees at mag-imbita ng mga representative mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, non-governmental organizations, at academe para magbigay ng technical advice o suporta.
Inatasan ni Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan, maging ang pribadong sektor na magbigay ng buong suporta at kooperasyon sa POC upang masiguro ang matagumpay na paglahok ng Pilipinas sa international event.
Ang POC sa pamamagitan ng chairperson ay dapat na magpasa ng quarterly reports sa Pangulo sa pamamagitan ng Executive Secretary, at Department of Budget and Management (DBM), kabilang ang final report matapos ang pagsasara ng Green Expo 2027.
Kabilang sa quarterly reports ang detalye sa gastos, kinita, accomplishments, economic impact at mga rekomendasyon para sa panghinaharap na pagpapaunlad at aksyon. RNT/JGC