MANILA, Philippines – Nangako ang Philippine National Police (PNP) na ipagpapatuloy ang mahigpit na operasyon laban sa mga rebeldeng komunista habang nagpapatuloy ang mga programa ng pamahalaan at pagbibigay ng pondo sa mga lokal na komunidad upang hindi na muling makapagtatag ng puwersa ang mga rebelde, lalo na sa malalayong lugar.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy ang koordinasyon ng mga pulis sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng operasyon laban sa mga grupong komunista sa mga lugar kung saan namo-monitor ang kanilang presensya.
Sinabi ni Nartatez na naging matagumpay ang kampanya laban sa insurhensiya sa mga komunidad kaya kailangang ipagpatuloy ang mga operasyon at iba pang estratehiya upang hindi makapagtipon muli at makabalik ang mga armadong grupo sa mga lugar na napalaya na mula sa kanilang presensya.
“As the methods of rebel and terrorist groups continue to evolve, we also ensure that our efforts are at pace and can respond to the current security challenges,” ani Nartatez.
“We want to sustain our gains when it comes to addressing threats from armed groups in order for all our kababayan in far-flung areas to be free from security threats and eventually for them to fully experience the peace and development that they deserve,” dagdag niya.
Ayon pa sa PNP chief, aktibong tinutugis ng mga pulis ang mga lider at miyembro ng mga grupo sa pamamagitan ng mga operasyon at pagsisilbi ng mga warrant of arrest, katuwang ang AFP.
Noong Nobyembre 4, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-10 Executive Committee Meeting ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kasama ang matataas na opisyal ng militar, pulisya at pamahalaan.
Tinalakay sa pulong ang mga nagawa ng task force, kalagayan ng insurhensiyang komunista at pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP). Kabilang dito ang pagtatayo ng mga silid-aralan, farm-to-market road, sistema ng tubig at sanitasyon, at mga health station.
Napag-usapan din ang pagpapalakas ng mga programa para sa reintegrasyon ng mga dating rebelde upang mabigyan sila at ang kanilang pamilya ng panibagong simula.
Binigyang-diin din ni Nartatez ang kahalagahan ng paggamit ng makabagong teknolohiya upang matukoy at mapigilan ang mga online na aktibidad ng mga grupong ito, lalo na ang kanilang mga paraan ng pagrerekrut at pagpopondo sa terorismo. RNT/MDS