Home TOP STORIES Transparency at accountability kailangan para maiwasan ang korupsyon sa pamahalaan — netizen

Transparency at accountability kailangan para maiwasan ang korupsyon sa pamahalaan — netizen

284
0

Batay sa isang survey ng Pulse Asia, marami sa mga Pilipino ang naniniwalang laganap umano ang korupsyon sa pamahalaan, habang mayorya rin ang nagsasabing itinuturing na “normal” na bahagi ito ng pulitika sa bansa.

Ayon sa ilang netizen, isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na napag-uusapan ang isyu ng korupsyon ay ang kakulangan umano ng transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng pamahalaan, na itinuturing na pera ng taong bayan.

Isang halimbawa umano ng panawagan para sa transparency at accountability ang mga tanong ng ilang residente ng Barangay Kamuning kaugnay ng paggamit at kita ng Suntay Multi-Purpose Hall Gymnasium sa Bernardo.

Ayon sa isang vlog ng grupong Genuine Batang Kamuning, ilan sa mga residente ang nagtatanong kung saan napupunta ang kinikita mula sa pagpapagamit ng gymnasium. Batay sa impormasyong binanggit sa vlog, sinisingil umano ang halagang ₱1,000 kada oras para sa mga hindi residente at ₱500 kada oras para sa mga taga-Barangay Kamuning na gumagamit ng pasilidad.

Ibinahagi rin sa vlog ang isang pagtatayang kalkulasyon ng posibleng kita mula sa paggamit ng gymnasium, batay sa bilang ng iskedyul ng palaro at singil kada oras. Ayon sa grupo, layunin lamang ng naturang pagtataya na maglatag ng mga tanong at humingi ng paglilinaw mula sa pamahalaang barangay, at hindi upang magpahayag ng tiyak na halaga ng aktuwal na kita.

Bukod dito, binanggit din sa vlog ang mga tanong hinggil sa sinasabing pagpapaupa ng espasyo ng barangay bilang garahe para sa mga sasakyan at motorsiklo. Ayon sa vlog, may mga residente na humihiling ng paliwanag kung may opisyal na talaan at resibo kaugnay ng mga bayaring ito, at kung paano ginagamit ang anumang nalilikom na pondo.

Nilinaw ng Genuine Batang Kamuning na ang kanilang mga binanggit ay pawang mga katanungan at obserbasyon ng ilang residente na humihingi ng opisyal na paliwanag mula sa pamahalaang barangay. Wala umanong layunin ang grupo na magbigay ng konklusyon, kundi itaguyod ang mas malinaw na sistema ng transparency at accountability sa antas ng barangay.

Ayon pa sa grupo, mahalagang matugunan ang mga ganitong katanungan dahil ang barangay ay itinuturing na pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, at anumang pondong nalilikom ay dapat malinaw na naipapaliwanag sa publiko bilang bahagi ng pananagutan sa taong bayan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here