MANILA, Philippines – Magsisimula na ang Department of Health (DOH) sa pag-isyu ng mga lisensya para sa operasyon ng mga lehitimong pasilidad ng dental care sa buong bansa upang maprotektahan ang mga pasyente laban sa pekeng klinika.
Ayon sa DOH, inaasahang maaaprubahan ang polisiya sa loob ng buwang ito.
Sinabi ni DOH Undersecretary Emmie Liza Chiong na ang hakbang na ito ay alinsunod sa Universal Health Care (UHC) Act, na kinikilala ang oral health bilang bahagi ng pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Binanggit niya na hindi papayagang magpraktis ang mga dentista nang walang akreditadong pasilidad.
Isinusulong din ng DOH ang mas mataas na pondo para sa oral health program ng gobyerno.
Kasabay ng karagdagang pondo, layon ng DOH na tugunan ang kakulangan ng mga dentista sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas magandang kompensasyon.
Dagdag pa ni Chiong, kasalukuyang nakabinbin sa Kamara at Senado ang mga panukalang batas para taasan ang salary grade ng mga dentista. Jocelyn Tabangcura-Domenden