MANILA, Philippines – Dalawang menor de edad at dalawang kasapakat nila ang naaresto makaraan na aktong ikinakarga sa kanilang sasakyan ang tinangay na underground copper wires sa Imus City, Cavite kamakalawa ng madaling araw.
Ayon sa report, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013) ang kinakaharap ng mga naarestong suspek na sina alyas Onyok, alyas Kinito at alyas Ron, pawang mga menor de edad, at alyas Jerry, 36 at alyas Ana, 21.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga roving guard ng PLDT bandang alas-3:21 ng madaling araw sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy Bayan Luma 2, Imus City, Cavite nang naaktuhan nila ang mga suspek habang isinasakay sa kanilang closed van na Mitsubishi Canter na may plakang CCP 5562 ang tinatayang 100 metro na haba ng 26 underground copper cable wire.
Tinatayang nagkakahalaga ito ng P359,063.
Narekober din mula sa mga suspek ang isang bolt cutter, metal saw, mallet, chisel, steel chain at ang kanilang ginamit na sasakyan. MARGIE BAUTISTA