MANILA, Philippines – REREPASUHING mabuti ng Malakanyang ang 125-day accomplishment report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ukol sa flood control scandal.
“Sa ngayon po ay naibigay na po sa Office of the Executive Secretary (OES) at sa ngayon ay aaralin pa po,” Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nauna rito, isinumite ng ICI ang report nito sa Office of the President (OP), araw ng Biyernes, binigyang diin ang accomplishments nito magmula nang magsimula ang operasyon nito nong September 2025.
Sa isang kalatas, sinabi ng komisyon na mula September 15, 2025 hanggang January 18, 2026, nagawa nitong magsumite ng siyam na referrals sa Office of the Ombudsman, saklaw ang 65 indibiduwal.
Sinasabing kinoordineyt ng ICI ang referral ng iba pang set ng 66 indibiduwal sa Department of Justice para sa pagpapalabas ng immigration lookout bulletin orders.
Kabilang sa mga malalaking pangalan na inirekumenda ng ICI para kasuhan na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects ay sina Senador Bong Revilla Jr., Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, at dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
At nang tanungin naman si Castro kung nakipag-ugnayan na ang Pangulo sa ICI hinggil sa report nito, sinabi ni Castro na hanggang sa ngayon ay hindi pa natatanggap ng Pangulo ang anumang updates maliban sa kumpirmasyon na isinumite na ito sa OES. Kris Jose