Home NATIONWIDE Lacson: Transcript ng bicam ilalabas para sa mas malawak na transparency

Lacson: Transcript ng bicam ilalabas para sa mas malawak na transparency

2
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tuloy-tuloy na livestreaming at pagkakaroon ng transcript ng mga pagdinig ng bicameral conference committee para sa panukalang 2027 national budget upang mas mapalawak ang transparency sa proseso ng badyet.

Ayon kay Lacson, mahalagang magkaroon ng kumpletong minutes at transcript upang malinaw kung sino ang nagpasimula ng mga amendment at realignment sa budget bill.

“Ang bicam, dapat lagyan ng minutes, naka-record ang transcript. Ito lang ang bicam sa lahat ng measure na walang transcript,” ani Lacson sa panayam sa DZMM.

Dagdag niya, makatutulong ito upang masundan ng mga mambabatas at publiko kung sino ang nasa likod ng mga pagbabago sa panukalang badyet.

Plano rin aniya ng Senado na imbitahan ang mga budget transparency group gaya ng People’s Budget Coalition (PBC) bilang observers sa bicameral proceedings.

“Panawagan ko nga, vigilance is not enough. Panawagan ko sa kanila baka puwede na sila mag-resort sa shaming para puwedeng tablan ng hiya ang iba,” ani Lacson.

Binalaan din ng senador ang posibilidad ng tinatawag niyang “double kill” sa budget process kung saan maaaring magkaroon ng insertion habang nasa National Expenditure Program (NEP) pa lamang at magkaroon muli ng panibagong singit pagdating sa Kamara at Senado.

“Pag nagsingit ka sa NEP, pag-transmit sa HOR and Senate sisingit uli. Double kill,” aniya.

Nauna ring nagpahayag ng pagkabahala si Lacson sa kuwestiyonableng geotagging at coordinates ng ilang proyekto sa panukalang 2027 budget.

Aniya, posibleng hindi simpleng typographical error ang mga maling lokasyon ng proyekto dahil layunin mismo ng geotagging na tukuyin ang eksaktong kinaroroonan ng mga ito.

Sinabi rin ni Lacson na gagamitin ng Senado bilang gabay ang mga rekisito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang program of works, feasibility study at geotagging, bago pondohan ang mga proyekto.

Iginiit din niya na dapat manatili ang Unified Account Code Structure (UACS) sa bawat yugto ng budget process upang mas madaling masubaybayan ang mga proyekto hanggang sa aktuwal na implementasyon.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here