MANILA, Philippines – Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kwalipikadong botante na magparehistro nang maaga sa pagbubukas ng voter registration sa Martes, Nobyembre 10.
Tatagal ang pagpaparehistro hanggang Hunyo 30, 2027.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, dapat samantalahin ng publiko ang mahabang panahon ng voter registration at huwag nang hintayin ang huling araw bago magparehistro.
Ipinaliwanag ni Garcia na mas maagang binuksan ang pagpaparehistro para sa 2028 national and local elections dahil sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana noong Nobyembre 2, 2026.
Nauna nang pinagtibay ng Korte Suprema ang konstitusyonalidad ng batas na nagpapahaba sa termino ng mga barangay at SK officials mula apat hanggang limang taon at nagtatakda ng susunod na BSKE sa Nobyembre 2028.
Tinatayang nasa 74 milyong rehistradong botante ang inaasahang lalahok sa 2028 National and Local Elections.