MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon sa Korte Suprema nitong Lunes, Pebrero 9 ang isang grupo upang hinllingin na ideklarang labag sa Saligang Batas ang kasalukuyang mga appointment sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), na nagresulta sa pagkawala ng majority lead ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa isang 57-pahinang petisyon, hiniling nina Saiden Abdulwahab at Zacaria Tuan na utusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng mga miyembro ng BTA na kinakatawan ang liderato ng MILF.
Ayon kay Atty. Badrodin Mangindra, legal counsel ng mga petisyoner, nakasaad sa Article XVI, Section 2 ng Bangsamoro Organic Law na dapat pangunahan ng MILF ang BTA, habang binibigyang-puwang din ang Moro National Liberation Front (MNLF).
Sinabi niyang 34 lamang sa 41 miyembro ng MILF ang naitalaga, habang pito ang pinalitan ng Pangulo, na aniya’y labag sa batas.
Dagdag pa ni Mangindra, dapat may 41 miyembro ang MILF sa BTA upang mangibabaw ang kanilang mga panukalang batas, ngunit marami sa kanilang mga hakbang tulad ng districting at budgeting ang natatalo.
Binanggit din niya ang umiiral na “internal dispute” sa MILF dahil sa mga appointment na ito.
Noong Marso, inanunsyo ng Malacañang ang bagong listahan ng mga miyembro ng BTA, at nanawagan sa MILF na bigyan ng pagkakataon ang bagong liderato ng Bangsamoro Region. Jocelyn Tabangcura-Domenden