MANILA, Philippines – May natuklasan pang isang vintage bomb sa loob ng Institute of Chemistry Teaching Building sa University of the Philippines Diliman nitong Martes ng umaga, Pebrero 9.
Ayon sa Philippine Collegian, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP Diliman, ang hindi sumabog na bomba ay natagpuan sa nasabing gusali.
Sinuspinde ang mga pang-umagang klase matapos ang pagkakatuklas dito, ngunit inaasahang magpapatuloy ang mga klase pagkatapos ng alas-12 ng tanghali.
Isinara rin ang kalsada sa pagitan ng Institute of Chemistry Teaching Building at Research Building para sa kaligtasan ng publiko.
Wala pang karagdagang detalye na inilalabas ang pamunuan ng unibersidad.
Noong Pebrero 3, isang vintage bomb din ang nahukay sa harap ng Institute of Chemistry Teaching Building, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Iniulat ng Philippine Collegian na posibleng ang bomba ay mula pa noong World War II. Jocelyn Tabangcura-Domenden