MANILA, Philippines – Sa unang araw ng muling pagpapatuloy ng voter registration sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections, sinabi ng Commission on Elections na umabot na sa halos 1,000 indibidwal ang nagparehistro.
Kabuuang 969 na aplikante ang nagparehistro noong Pebrero 9 batay sa datos kung saan 494 dito ay mga babae at 475 ang lalaki.
Ang Maguindanao del Norte ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng nagparehistro na nasa 349 sinundan ng Special Geographic Area (SGA) sa Cotabato na nasa 208; Lanao del Sur na may 148; Maguindanao del Sur na may 134 at 76 naman sa Tawi-Tawi.
Habang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng nagparehistro ang Basilan na mayroon lamang 54.
Noong una, inanunsyo ng Comelec na magpapatuloy ang voter registration sa autonomous region simula Lunes, Pebrero 9. Sinabi ng Comelec na ang registration period ay tatakbo hanggang Marso 30 ngunit pinalawig ito hanggang Marso 31.
Iniulat din ng Comelec na umabot na sa 1,877,784 ang kabuuang bilang ng mga aplikante sa buong bansa para sa 2026 BSKE, na lumampas sa kanilang orihinal na target na 1.4 milyon na bagong botante. Jocelyn Tabangcura-Domenden