MANILA, Philippines -Inirekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging at muling pakikipagkasunduan sa rights-of-way para sa mga proyekto ng imprastruktura malapit sa mga daluyan ng tubig sa Iligan City.
Nitong Martes, Pebrero 10, ininspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon at mga opisyal ng Iligan City ang mga tulay at flood-control infrastructure na naapektuhan ng Tropical Storm Basyang.
Ginawa ni Dizon ang pagbisita alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang agarang pagbili ng mga materyales na kailangan sa mga apektadong lugar.
Sa inspeksyon, sinuri ni Dizon ang Mandulog Flood Control Project, Pinul-iran River at tulay nito sa Barangay Palao, at ang Tubod Bridge.
Ayon kay Iligan City Mayor Frederick Siao, ang matinding pagbaha ay nagmula sa mga upland areas, na may dami ng ulan na katumbas ng halos 100 araw ng tuloy-tuloy na pag-ulan, batay sa ulat ng panahon.
Upang tugunan ang mabigat na siltation dulot ng pagbaha, inihayag ni Dizon ang pagbili ng karagdagang dredging equipment.
Inatasan niya si DPWH-Northern Mindanao (Region 10) Director Lilibeth Aparecio na bilisan ang rehabilitasyon, dredging, at clearing operations sa Pinul-iran River at mga apektadong kalsada.
Sa kasalukuyan, bukas pa rin ang Mandulog at Pinul-iran bridges para sa magaan at mabibigat na sasakyan sa one-way basis.
Patuloy namang minomonitor ng Iligan City Roads and Traffic Management Office ang mga mabibigat na sasakyang dumadaan nang paisa-isa. Jocelyn Tabangcura-Domenden