Home HOME BANNER STORY Repairman arestado sa pagpapakalat ng sex videos ng dalawang estudyante

Repairman arestado sa pagpapakalat ng sex videos ng dalawang estudyante

183
0

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga elemento ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang 22-anyos na repairman sa Jabonga, Agusan del Norte matapos umanong kunin at ikalat ang sex videos ng dalawang Grade 11 na estudyante habang inaayos ang cellphone, nitong Miyerkules, Pebrero 11.

Ayon kay ACG Director Brig. Gen. Wilson Asueta, sa isinagawang operasyon sa bisa ng warrant to search, seize, and examine computer data noong Enero 29, 2026, inaresto ang suspek na si alyas “Edu.”

Nakuha kay Edu ang kanyang cellphone na naglalaman ng mga sex video ng mga biktma.

Sa pahayag ng isa sa mga biktima na si “Apple,” 17-anyos, ang kanyang cellphone sa repairman upang ipaayos noong nakaraang Enero.

Nasa loob ng cellphone ang mga video nila ng kanyang kasintahan na si “Mark,” 17-anyos din, habang gumagawa ng sexual act.

Bago umano ibalik ng repairman ang cellphone, sinuri muna nito ang laman ng gadget.

Pagkaraan ng ilang araw at maibalik ang cellphone, kumalat na ang mga video sa kanilang barangay, pamilya, at maging sa paaralan, dagdag pa ni Asueta.

Sa isang briefing, sinabi rin ni ACG spokesperson Lt. Wallen Mae Arancillo na umano’y nag-record pa ang suspek ng sarili niyang video habang pinapanood ang naturang mga sex video.

Ipinost umano ito sa social media na may mensaheng, “Sino ang gusto ng sex video? Mag-private message sa akin.”

Dahil dito, nagsampa ng reklamo ang dalawang biktima sa Caraga Regional Anti-Cybercrime Unit, na siyang nag-apply at nakakuha ng search warrant upang halughugin at suriin ang mga computer data sa bahay ng suspek.

Kasalukuyang nakakulong si Edu sa Jabonga Municipal Police Station habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Sinabi ni Asueta na iniimbestigahan pa kung may iba pang kliyente ang suspek na naging biktima ng parehong gawain.

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa lokal na tanggapan ng social welfare para sa wastong pag-asikaso sa dalawang menor de edad, na nananatili sa pangangalaga ng kanilang mga magulang.

Nagpaalala si Asueta sa publiko na ipaayos lamang ang cellphone sa mga mapagkakatiwalaang repair shop at iwasang iwan ito sa hindi kakilala.

Kung maaari rin aniya, tanggalin ang SIM card at burahin muna ang mga sensitibong video, larawan, at mahahalagang personal na impormasyon bago ipaayos ang cellphone, o ilipat muna ang mga ito sa ibang storage para sa seguridad. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here