MANILA, Philippines – ISA sa mga tinitignan posibleng anggulo ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang may kaugnayan sa mga nawawalang baril kaugnay ng pagkamatay ng isang opisyal ng pulisya na natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang quarters sa Davao City, noong Martes, Pebrero 10.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, malalimang pagsisiyasat ang kanilang ginagawa hinggil sa pagkamatay ni Lt. Col. Deosar Almaza, acting chief ng Regional Logistics and Research Development Division.
Ayon kay Tuaño, nakatuon ang mga imbestigador sa mga usaping may kinalaman sa trabaho ng opisyal na maaaring naging sanhi ng kanyang pag-aalala bago ang insidente.
“Ang wino-worry niya lang ay kaugnay sa kanyang trabaho sapagkat may minana siya na mga reports na kung saan ito ay hindi niya ma-reconcile, ‘yung mga reports about sa firearms,” ani Tuaño.
Dagdag pa niya, “Ayaw naman natin magbigay ng haka-haka kaugnay kung ano ang totoong nangyari.”
Natuklasan ang bangkay ng opisyal matapos mapansin ng kanyang mga kasamahan na hindi siya tumutugon sa kanilang Viber group chat na ginagamit nila sa pagko-coordinate ng preparasyon para sa pagbisita ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Nang hindi ito sumagot, may ipinadalang mga tauhan upang tingnan ang kanyang kalagayan sa kanyang tinutuluyan, kung saan siya natagpuang patay bandang 6:45 ng umaga.
Iniutos ng PNP chief ang masusi at malinaw na imbestigasyon sa insidente.
“Pinahahalagahan natin ang kanyang mahabang taon na paglilingkod sa serbisyo sapagkat siya ay nagbigay ng 26 years of his good life in the PNP service,” diin ni Tuaño.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang pagsusuri ng PNP Forensic Group sa mga ebidensiya tulad ng personal na gamit ng opisyal.
Sa ngayon, sinabi ng pulisya na hindi pa matukoy kung may naganap na foul play.
Isang baril na pinaniniwalaang 9mm pistol ang narekober sa lugar ng insidente, ngunit inaalam pa ng mga imbestigador kung ito ay pag-aari ng nasawing opisyal. Mary Anne Sapico