Home METRO Higit P36M tobats, buking sa 3 abandonadong parcel

Higit P36M tobats, buking sa 3 abandonadong parcel

175
0

MANILA, Philippines – Narekober ng mga operatiba ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sa isinagawang interdiction operation ang tatlong abandonadong parcel na naglalaman ng mahigit P36 milyong halaga ng shabu sa NAIA Complex, Pasay City, Miyerkules ng hapon, Pebrero 11.

Sa inisyal na report ng IADITG, napag-alaman na nadiskubre ang ilegal na droga sa tatlong abandonadong parcel bandang ala 1:00 ng hapon sa Pairpags Center, NAIA Complex, Pasay City.

Sa unang parcel, na idineklarang CCTV camera, at ipinadala ng HHB Design Studios, Clock Tower, Maselema, Blantyre, Malawi, na naka-consign sa isang Lucius CastaƱeda ng Urban Deca Homes sa Imus, Cavite, nadiskubre ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng shabu na may bigat na 2,370 gramo na nakatago sa loob ng CCTV camera.

Ang ikalawang parcel ay idineklara namang “CCTV Kit” na ipinadala ni Govender Fakhar, Postnet – Parhurst 73816921, 49 6th St., Parkhust, Johannesburg, South Africa, para sa isang Robert De Leon, sa Las Palmas Subdivision, Caypombo, Sta. Maria, Bulacan.

Dito, nadiskubre ang isang transparent plastic bag ng hinihinalang shabu na may timbang na 1,012 gramo, nakatago rin sa loob ng CCTV camera.

Sa huling binuksang abandonadong parcel, na idineklara namang “Handbags at Hot water bottles,” at ipinadala ni Lindelwa Tom, 1460 Mzamohle St, Simunye Ext S, Gaborone, Botswana, South Africa, para sa isang Francia Abigail Asis ng Ibayong Olkaong, Silang, Cavite, nadiskubre ang apat na translucent plastic bag na nakabalot sa carbon paper na naglalaman ng 487, 503, 504, at 518 gramo ng hinihinalang shabu.

Sa kabuuan, ang nakumpiskang hinihinalang shabu ay umabot sa 5,424 gramo o mahigit limang kilo, na nagkakahalaga ng P36,883,200.

Ang mga narekober na ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination, habang ang paglabag sa Section 4, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang haharapin ng mga sangkot sa pag-smuggle ng ilegal na droga sa bansa.

Ang IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI).

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here