MANILA, Philippines – Binira nina Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago at Kabataan Partylist Rep. Renee Co si Sen. Robin Padilla sa pagturing nito sa mga kabataan bilang “weak” dahil nakararanas ng depresresyon, giit ng mga mambabatas, mali ang senador dahil “strong” ang henerasyon ngayon.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co sa dami ng problemang kinahaharap ng mga kabataan mula sa edukasyon hanggang sa korapsyon ay hindi dapat isisi sa kabataan ang mga problema.
“Recognizing problems is not weakness. Gen Z is strong enough to see that and fight for change,” paliwanag ni Co.
Giit ni Co, totoong problema ang mental health na dapat tugunan ng gobyerno sa halip na maghugas kamay.
Para naman kay Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago maling sabihin na mahina ang mga kabataan dahil naapektuhan ng depresyon, aniya, hindi imbento lamang ng mga bagong henerasyon ang nararanasang mental health issues.
“Matagal na itong umiiral, ngunit noon ay nababalot lamang ng katahimikan, stigma, at kakulangan ng kaalaman. Hindi kahinaan ang pag-amin sa mental health problems. Sa katunayan, tanda ito ng tapang—ang tapang na kilalanin, unawain, at harapin ang sariling pinagdaraanan,” paliwanag ni Elago.
Giit pa ni Elago, tungkulin ng mga mambabatas gaya ni Padilla na pakinggan at unawain ang kabataan at hindi patahimikin.
“Ang isang lipunang may malasakit ay hindi nagtatanong kung bakit nagsasalita ang kabataan tungkol sa depresyon; tinatanong nito kung paano sila higit na masusuportahan,” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza