Home NATIONWIDE Pagrepaso sa batas sa industriya ng asukal, ipinanawagan ni Hontiveros

Pagrepaso sa batas sa industriya ng asukal, ipinanawagan ni Hontiveros

127
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa Senado na repasuhin ang mga umiiral na batas kaugnay ng industriya ng asukal, partikular ang charter ng Sugar Regulatory Administration (SRA) at ang Sugar Industry Development Act (SIDA) of 2015, dahil sa patuloy na paghina ng kompetitibidad ng sektor.

Ayon kay Hontiveros, sa kabila ng pagpasa ng SIDA at pagkakaroon ng SRA, patuloy na bumababa ang kakayahan ng lokal na industriya ng asukal na makipagsabayan. Aniya, ito ay dahil sa mababang produktibidad sa bukid, mataas na gastos sa produksyon, at hindi episyenteng milling operations.

“The laws were meant to strengthen the sugar industry and improve the incomes of farmers and workers. But today, our sugar remains expensive, our mills lag behind, and our farmers are struggling to compete,” ani Hontiveros.

Sa paghahain ng Senate Resolution No. 298, sinabi ng senador na kailangang suriin ang mga regulasyon ng SRA na nag-uugnay sa pribilehiyo sa pag-angkat ng asukal sa sapilitang pagbili at pag-iimbak ng lokal na buffer stocks, pati na ang pagsunod sa U.S. export quotas.

Ayon sa kanya, tila pinapaboran ng mga patakarang ito ang malalaking trader-millers na may sapat na kapital at maaaring nagreresulta sa pagkonsolida ng kontrol sa merkado ng asukal sa iilang grupo lamang.

Binanggit din niya na nahuhuli ang lokal na mga prodyuser kumpara sa malalaking bansang gumagawa ng asukal tulad ng Brazil, Thailand, at Colombia. Kahit umabot sa apat na taong pinakamataas ang lokal na produksyon noong 2025, 87 porsyento lamang ng lokal na demand ang natugunan.

Dagdag pa niya, nananatiling mataas ang presyo ng asukal sa bansa sa kabila ng pag-angkat at mas mababang presyo sa pandaigdigang merkado. Ayon din sa resolusyon, nakaaapekto sa lokal na mga prodyuser ang mas murang sugar substitutes at maling deklarasyon ng imported na asukal, na nagdudulot din ng pagkawala ng kita ng pamahalaan.

“Our farmers are struggling with rising costs but low productivity. Meanwhile, consumers continue to suffer from high sugar prices. The system is failing both farmers and consumers,” ani Hontiveros.

Tinatayang sinusuportahan ng industriya ng asukal ang humigit-kumulang 700,000 manggagawa at kabuhayan ng lima hanggang anim na milyong Pilipino.

Ayon kay Hontiveros, layunin sana ng SIDA na pataasin ang kompetitibidad ng industriya at kita ng mga magsasaka, ngunit makalipas ang mahigit isang dekada, hindi pa rin ito ganap na natutupad. Dapat din umanong suriin kung paano ginagamit ang P2-bilyong taunang pondo ng SIDA.

“We need to fix the broken parts and isolate the rotten parts from the system. We need policies that truly raise productivity, lower costs, protect small farmers and agrarian reform beneficiaries, and make sugar affordable for Filipino consumers,” diin niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here