Home METRO PBBM: Irigasyon, pagpigil sa baha, palalakasin sa pinasinayaang Mahayag Dam sa ZamboSur

PBBM: Irigasyon, pagpigil sa baha, palalakasin sa pinasinayaang Mahayag Dam sa ZamboSur

179
0
via PIA Zamboanga del Sur

ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ang inayos na Mahayag Dam sa Zamboanga del Sur at ibinigay ang mga solar-powered pump irrigation projects (SPIPs) sa mga magsasaka sa Zamboanga Peninsula (Region IX).

Ayon sa Pangulo, ang upgraded na Mahayag Dam ang nagbibigay ng mas maayos na water diversion, mas maaasahang irigasyon, mas mataas na agricultural productivity sa rehiyon, at mas ligtas na flood control para sa mga kabahayan at kabuhayan sa lalawigan.

Ang dam na nasira ng mga nagdaang pagbaha, ay matatagpuan sa munisipalidad ng Mahayag. Ito ay nagsisilbing major diversion structure para sa Salug river Irrigation System sa Zamboanga del Sur, ang pinakamalaking irrigasyon sa Zamboanga Peninsula.

Higit 3,100 mga magsasaka at kanilang pamilya ang nakikinabang sa Mahayag Dam.

“Ibig sabihin, magiging tuloy-tuloy na ang suplay ng tubig. Hindi lamang mapararami ang inyong mga ani—mapapanatag din kayo na matutugunan ninyo ang araw-araw ninyong pangangailangan,” ani Pangulong Marcos.

Dagdag pa niya, ang dam ay makatutulong din sa paghahanda ng mga komunidad tuwing tag-ulan.

“Sa pagsasaayos ng Mahayag Dam, hindi lamang tayo nag-iimbak ng tubig. Nag-iimbak din tayo ng pag-asa at magandang kinabukasan,” wika ng Pangulo.

Kasabay nito, ipinagkaloob din ng Pangulo ang 20 SPIPs para sa 635 magsasaka sa rehiyon. Ayon sa kanya, ang mga SPIPs ay magpapalakas sa lokal na sistema ng irigasyon gamit ang malinis at abot-kayang enerhiya mula sa araw.

Sa harap nito, inutos ng Pangulo na ang irrigators association ang mangasiwa sa distribusyon at paglilinis ng tubig habang tutulong naman ang National Irrigation Administration (NIA) sa maintenance ng specialized solar panels at pump systems.

Dahil nakakakuha ang mga pump system ng enerhiya mula sa araw, hindi na gumagastos pa ang mga magsasaka sa diesel at kuryente at maiiwasan pa ang pagbuga ng carbon na nakapagpapalala ng polusyon, ayon sa Pangulo. Higit sa lahat, palalakasin pa ng SPIPs ang food security at pangkabuhayan ng mga magsasaka. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here