MANILA, Philippines – Magbubukas ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng karagdagang 10,000 scholarship slots ngayong taon para sa mga anak ng overseas Filipino workers (OFWs), ayon sa administrador ng ahensya.
Sinabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na ang hakbang ay bunsod ng record-high trust fund ng ahensya na umabot sa $368 milyon para sa 2026, ang pinakamataas mula noong 1982. Noong Disyembre 2024, nasa $350 milyon ang pondo.
“Ang OWWA Trust Fund ay protektado, at hindi lamang protektado, lalong lumalago (The OWWA Trust Fund is protected, and it also grows),” ayon kay Caunan.
“Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng OWWA, ito ang pinakamalaking increase sa loob ng 43 taon,” dagdag pa niya.
Ayon kay Caunan, mayroon nang 15,000 kasalukuyang OWWA scholars, at ang karagdagang slots ay magpapalawak pa ng oportunidad sa edukasyon para sa mga anak ng OFWs.
Inanunsyo rin niya ang pagtatatag ng Alagang OWWA Fund para sa mga programang pangkalusugan at pangkabuhayan sa Pilipinas at ibang bansa.
“Habang tumataas ang pondo at tiwala sa OWWA, tumataas din ang expectations ng ating mga OFWs – at handa kaming tugunan iyon. Ibalik sa OFW ang pondo, ibalik ang benepisyo nang maramdaman nila ang tunay na alaga mula sa pamahalaan,” ayon kay Caunan.
Tiniyak din niya na pangangalagaan ng ahensya ang pondong nagmumula sa $25 membership fee ng mga OFW.
Hanggang Disyembre 2025, umabot na sa 2.6 milyon ang aktibong miyembro ng OWWA, mas mataas ng 600,000 kumpara noong Disyembre 2024. Dave Baluyot