MANILA, Philippines – Isang opisyal ng Vatican sa Pilipinas ang humikayat sa mga magkasintahan na ipagdiwang ang Valentine’s Day sa pamamagitan ng pagdalo sa Misa.
Hinimok ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang mga kabataan, lalo na ang mga magkasintahan, na gugulin ang Pebrero 14 sa simbahan.
Ayon sa opisyal ng Vatican, tulad ng tradisyon ng maraming Pilipino na dumalo sa Simbang Gabi tuwing Pasko, maaari ring maging makabuluhang tradisyon ang pagdalo sa Misa sa kapistahan ni St. Valentine.
Sinabi pa ng opisyal ng Simbahan na kung ang isang lalaki ay Katoliko na interesado sa isang babaeng Katoliko, maaari niya itong imbitahan sa simbahan.
Nauna nang tinutulan ng Simbahang Katoliko ang ilang inisyatibo ng pamahalaan na may kaugnayan sa pamamahagi ng condom tuwing Valentine’s Day.
Ayon sa Simbahan, ang mga ganitong hakbang ay salungat sa mga turo nito ukol sa kabanalan ng buhay at sa paniniwalang ang seksuwal na relasyon ay para lamang sa mag-asawa.
Apat na araw pagkatapos ng Valentine’s Day, sa Pebrero 18, gugunitain ng mga Katoliko ang Ash Wednesday, na hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma, ang 40-araw na panahon ng panalangin, pagsisisi, at pag-aayuno.