Home NATIONWIDE 3 abogado ng drug war victims, pinadidiskuwalipika ni Digong sa ICC

3 abogado ng drug war victims, pinadidiskuwalipika ni Digong sa ICC

157
0

MANILA, Philippines – HINILING ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na utusan ang ICC Registry na bawiin o ipawalang-saysay ang pagkakatalaga ng tatlong common legal representatives para sa mga biktima ng giyera kontra ilegal na droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sa 11-pahinang dokumento na may petsang Pebrero 11, hiniling ni Nicholas Kaufman, isa sa legal team ni Digong Duterte sa Pre-Trial Chamber I, na bawiin ang pagkakatalaga kina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Nicolene Arcaina bilang common legal representatives ng mga biktima, dahil sa umano’y pagkakaroon ng kinikilingan.

Sinasabing isa sa mga abogado ang diumano’y bumatikos sa kanilang legal na estratehiya sa media at nagpahayag ng mga naunang pananaw tungkol sa mga paratang laban sa dating pangulo.

Maliban dito, sinasabing si Arcaina ay dating staff lawyer ng CenterLaw Philippines, kung saan matagal nang konektado sina Butuyan at Andres.

Ayon pa sa depensa, maaari itong magpakita ng pagpapatuloy ng propesyonal na ugnayan na hindi tugma sa integridad ng pagdinig.

Iminungkahi rin ng kampo ni Digong Duterte na suspendihin ang access ng mga kinatawan sa mga rekord ng kaso upang maiwasan ang posibleng paghawak sa mga materyales na maaaring makapagpapawalang-sala sa dating pangulo.

Iminungkahi ng depensa na ang Office of Public Counsel for Victims na lamang ang humawak sa interes ng mga biktima upang maiwasan ang pagkaantala sa pagdinig para sa confirmation of charges. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here