MANILA, Philippines – Nakumpiska ng pulisya ang P2.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa San Jose de Buenavista, Antique, nitong Miyerkules.
Kinilala ni San Jose de Buenavista Chief of Police Geremy Ian Magbanua ang suspek na si alias Mokie, 38, residente ng Barangay Funda-Dalipe, na itinuturing na high-value individual dahil sa malalaking transaksiyon sa ilegal na droga.
“Alias Mokie is being considered a high-value individual (HVI) because he deals with big transactions,” ayon kay Magbanua.
Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng lokal na pulisya, Antique Provincial Police Office, at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang 340 gramo ng hinihinalang shabu at pagkarekober ng inuupahang sasakyan na ginamit ng suspek.
Ayon kay Magbanua, isinagawa ang operasyon matapos ang lima hanggang anim na buwang surveillance, at sinabing umano’y mula sa Iloilo ang pinanggagalingan ng suplay ng suspek.
Binanggit din niya na kamakailan ay nakasamsam ang pulisya ng P1.3 milyong halaga ng shabu mula sa isa pang high-value target at street-level individual sa hiwalay na operasyon.
“We call on other drug pushers to already stop their illegal activities because the police will really run after them,” ani Magbanua. Mary Anne Sapico