Home NATIONWIDE Pamunuan ng LRT-1, lusot sa pananagutan sa nahulog na stude –...

Pamunuan ng LRT-1, lusot sa pananagutan sa nahulog na stude – PNP

259
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na wala itong nakikitang contributory negligence sa panig ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) kaugnay ng pagkamatay ng isang estudyanteng nahulog mula sa FPJ Station sa Quezon City.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, magkakaroon lamang ng pananagutan ang LRT-1 kung mapapatunayang may kapabayaan.

“Magkakaroon lang po ng pananagutan ang LRT na kung may nakita silang contributory negligence sa parte po ng LRT,” ani Tuaño sa isang press briefing. “Pero sa ngayon po, wala po silang nakikita na contributory negligence sa part po ng LRT,” dagdag niya.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Quezon City Police District (QCPD) sa insidente na kinasangkutan ng isang lalaking estudyante na nahulog mula sa istasyon bandang alas-10:30 ng umaga noong Miyerkules.

Batay sa CCTV footage na ibinigay ng pamunuan ng LRT-1, makikitang naglalakad pabalik-balik ang biktima sa lugar at tumitingin sa kalsada bago mangyari ang insidente.

Matapos ang pagkahulog, nabangga rin ang biktima ng isang sasakyan. Pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver alinsunod sa standard operating procedures ng PNP para sa mga insidenteng may nasawi.

Kalaunan ay pinalaya rin ang driver matapos magsumite ang ama ng biktima ng isang notarized letter na nagsasaad na hindi na siya magsasampa ng reklamo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here