MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na isang impeachable offense ay ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 national budget.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos sabihin ng Malacañang na wala umanong nagawang impeachable act ang Pangulo.
“Para sa akin, personal ko na opinyon. Ako, di ba, ang nagsabi pinakauna na impeachable offense ‘yung pagpirma ng budget na alam mong galing siya sa bill na may mga blangko at merong mga insertions,” ani Duterte.
Nilagdaan ni Marcos ang 2025 national budget noong Disyembre 2024. Naging kontrobersyal ito matapos maiugnay sa umano’y anomalous flood control projects at mga insertions, na nagbunsod ng mga akusasyon laban sa ilang indibidwal. Itinanggi ng Pangulo ang pagkakadawit sa isyu.
Dagdag ni Duterte, maaari ring maging batayan ng impeachment ang pagtangging humarap sa mga tanong tungkol sa kakayahang mamuno at sa umano’y paggamit ng ilegal na droga.
“At syempre, impeachable offense din ‘yung humihindi ang isang opisyal kapag merong nagtatanong ng competency niya na mamuno at may nagsasabi na gumagamit siya ng illegal na droga,” aniya.
Sinabi rin niya na handa siyang sumailalim sa pagsusuri kung kuwestiyunin ang kanyang kakayahan bilang opisyal.
“Kasi nag-oath ako, eh. At sinasabi ko doon, I will preserve and defend the Constitution. Paano mo ma-preserve and defend ang Constitution, ang Saligang Batas, kung wala ka sa tamang pag-iisip?” ani Duterte.
Samantala, binatikos din ni Duterte si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kaugnay ng naging tugon nito sa pahayag ni Duterte na umano’y hina-harass ang mga senador na sumusuporta sa kanya.
“At syempre kapag ganun ‘yung nagsasalita at ganun ang sinasabi ng nagsasalita nagdadala siya ng kahihiyan sa bayan ng natin. Kaya dapat hindi na siya pinapakinggan at pinapansin,” ani Duterte. RNT