Home HOME BANNER STORY Nabubuntis na edad 15-19, bumaba pero 10-14-anyos na nagdadalang-tao, dumami

Nabubuntis na edad 15-19, bumaba pero 10-14-anyos na nagdadalang-tao, dumami

197
0

MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga nabubuntis na Pilipinang edad 15 hanggang 19 sa mga nagdaang taon, ngunit patuloy namang tumataas ang bilang ng mga nabubuntis sa mga batang edad 10 hanggang 14, ayon sa datos na binanggit ng Commission on Population and Development (CPD).

Lumutang ang trend na ito kasabay ng mga selebrasyon ng Araw ng mga Puso, kung saan nangingibabaw ang mga imahe ng romansa at pamamahagi ng condom at impormasyon. Sa likod nito, nagbabala ang mga opisyal sa lumalaking panganib para sa mas batang kabataan.

Batay sa datos ng CPD, bumaba mula 8.6% noong 2017 hanggang 5.4% noong 2022 ang porsiyento ng mga babaeng edad 15 hanggang 19 na nagsimulang magkaanak.

Sa kabilang banda, tumaas ang bilang ng live births sa edad 10 hanggang 14 mula 2,411 noong 2019 hanggang 3,343 noong 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority.

“The decrease is for ages 15 to 19, both in percentage and in actual numbers,” aniya. “The increase we are seeing is for below 15. That is where we should be alarmed,” ani CPD Undersecretary Lisa Grace Bersales.

Inilarawan niya ang pagtaas sa mas batang grupo bilang exponential at binigyang-diin na kahit 2% lamang ng kabuuang rehistradong kapanganakan ang teenage pregnancy, nagpapakita ito ng malalim na kahinaan.

“We never thought we would have to talk to our girls and boys below 15 about sexual behavior leading to pregnancy,” aniya.

Tinukoy ni Bersales ang impluwensiya ng social media bilang isa sa mga salik, ngunit iginiit na kailangan ang sama-samang pagtugon ng lipunan.

“This requires a whole-of-society approach, the family, schools, local government units, civil society, faith-based groups. We must be systematic in talking to our children about protecting themselves.”

Iniulat din niya na 84% ng mga lokal na pamahalaan ang may naitatag nang teen centers hanggang Mayo 2025, ngunit nananatiling isyu ang maayos na pagpapatakbo ng mga ito.

“Establishment is one thing. Functionality is another,” aniya.

Isa ang Northern Mindanao sa may pinakamataas na adolescent pregnancy rate, kung saan 10.9% ng mga babaeng edad 15 hanggang 19 ang nagsimulang magkaanak noong 2022, ayon sa National Demographic and Health Survey.

Kabilang sa mga salik ang limitadong akses sa serbisyong pangkalusugan sa liblib na lugar, kultura ng katahimikan sa usaping seksuwalidad, at kahinaan ng mga anak ng Overseas Filipino Workers.

“Studying the situation of daughters left behind by OFW mothers is very important work that we need to do,” ani Bersales.

Dagdag pa rito, nahahadlangan ang akses sa family planning dahil sa batas na nag-aatas ng pahintulot ng magulang para sa mga menor de edad sa ilalim ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012.

Sinabi ni Bersales na kailangan pang sanayin ang mga guro upang maging komportable sa pagtuturo ng sexuality education.

“We need to make our teachers confident,” aniya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here