MANILA, Philippines – Nasamsam ng pulisya ang mahigit P2.78 milyon na halaga ng shabu at naaresto ang limang suspek sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Iloilo City noong Huwebes, Pebrero 12, 2026.
Ayon sa Police Regional Office in Western Visayas (PRO-6), isinagawa ng Iloilo City Police Office Drug Enforcement Unit ang unang operasyon sa Barangay Simon Ledesma, Jaro district.
Inaresto sina alias AJ, 30; alias Mol-Mol, 28; at alias May-May Libat, 43, na pawang itinuturing na high-value individuals.
Narekober sa kanila ang 10 heat-sealed at limang knot-tied na plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 215 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng PHP1.46 milyon.
Sa ikalawang operasyon na isinagawa ng Iloilo City Police Station 4 sa Zone 5, Barangay Boulevard, Molo district, naaresto sina alias Juls, 52, isang high-value individual, at Mon-Mon, 37, isang street-level individual. Nasamsam sa kanila ang 14 heat-sealed sachet na naglalaman ng 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng PHP1.36 milyon.
Sinabi ni PRO-6 Director Brig. Gen. Josefino Ligan na, “The intensified anti-drug operations will continue across the region.”
Dagdag pa niya, “We remain relentless in our campaign against illegal drugs to protect our communities and ensure a safer Western Visayas.”
Kakaharapin ng mga suspek ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Haharap din sa karagdagang kaso ang mga naaresto sa Jaro dahil sa paglaban at pagharang sa mga pulis sa kanilang pag-aresto. Mary Anne Sapico