MANILA, Philippines – Nagpakita ng panibagong aktibidad ang dalawang aktibong bulkan sa bansa noong Biyernes matapos magbuga ng abo ang Mayon Volcano sa Albay at Kanlaon Volcano sa Negros Occidental.
Sa Albay, nagbuga ang Mayon ng abo na umabot sa 50 metro mula sa bunganga nito. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang ash events alas-8:21 a.m. at 8:27 a.m. sa pamamagitan ng time-lapse cameras ng Mayon Volcano Observatory.
Nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon, na nangangahulugang may mataas na antas ng unrest.
Pinayuhan ang mga residente na umiwas sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone dahil posibleng magkaroon ng biglaang pagsabog, lava flow, rockfall, at pyroclastic density currents.
Sa Negros Occidental, pumutok ang Kanlaon alas-12:50 a.m. at nagbuga ng abo na umabot sa 300 metro ang taas at tumagal ng 17 minuto.
Nakaranas ng ashfall sa mga lungsod ng La Carlota at Bago, gayundin sa mga bayan ng Pontevedra at La Castellana.
Patuloy na nagbabantay ang mga awtoridad at pinapayuhan ang mga residente na maging alerto sa posibleng panganib dulot ng patuloy na aktibidad ng mga bulkan. RNT/MND